(Basahin ang Part 1 dito)
May ilang taon na din kaming magkakilala ni Miel. Sa umpisa, di pa kami masyadong close. Dahilan sa madalas na pagsasama namin sa org, nabuo na din ang isang pagkakaibigan.
Mahilig makipagkwentuhan si Miel. Madaldal e. Masarap sya kausap. Kahit ano pwede nyo pag-usapan. Laman sya ng mga social networking sites.Pati sa text at call, game sya.
Madalas pa kami mag-usap noon. Walang araw na di nya ako kinakamusta. Nagrereply naman ako. Lagi nya ako tinatanong noon kung na-miss ko sya. Oo pa ang sinasagot ko dati.
Kahit pag magkasama kami, lagi syang nagtatanong kung na-miss ko sya. Napapangiti na lang ako. Pag kaharap ko sya, sasabihin ko "hindi kita na-miss". Sabi ko nga, wala akong pakiramdam. Kaya di dapat nya malaman na na-miss ko din sya kahit paano.
Oo, aaminin ko, madalas ko din naman syang naiisip. Nami-miss din siguro-ayaw ko lang aminin sa sarili ko.
May mga pagkakataon na marami syang kausap at parang gusto ko syang hilahin at solohin--na sana ako lang ang kausap nya.
Isang beses, ginawa ko yun. Sabi ko gusto ko syang makausap- mag-isa. Nagpaunlak naman sya. Nung kami na lang dalawa, umurong na ang dila ko. "May sasabihin ka?", tanong nya. "Gusto lang kita masolo.Hehehe", sagot ko.
Si Miel ang isa sa una kong binigyan ng bago kong mobile number. Ewan ko pero may urge saken na dapat isa sya sa unang makaalam. Teka, nagiging espesyal na ata saken ang tao na ito.
Maraming pagkakataon na ipinakita at ipanaramdam sa akin ni Miel na espesyal din ako sa kanya.
Isang araw, tinanong nya ako: Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa'yong mahal na kita?
Natawa ako. Di na ako masyadong nagulat kasi kilala ko syang vocal sa mga nararamdaman nya. Yun din naman ang lagi nyang sinasabi saken-na maging expressive sa mga nararamdaman ko. Na walang masamang maging masaya, o malungkot o magalit. Na dapat di pinapalampas ang mga pagkakataong magsabi ng 'Thank You, Im sorry, I miss you, I love you'..
Hindi ako naniniwala, sabi ko.
Mahal nga kita, pramis. Pero di mo naman kaylangan i-reciprocate ang feeling. Sabi nga ng favorite author ko: To love is to risk not being loved in return. Basta, I want you to know that I love you.
Hahaha. Loko ka. Niloloko mo ako. Di ako naniniwala sa'yo.
Totoo nga. Nagsulat pa nga ako ng 30 Reasons Why I Love You. Nag-iisip pa nga ko ng madami-gusto ko sana 100 reasons. Pero yan lang naisip ko sa ngayon.
Asus, iba ang mahal mo, alam ko.
Ikaw lang ang mahal ko.. Wag kang maiilang ha.
Di na ako nakasagot. Di naman sa naiilang ako. Alam ko naman na baka nga ito na ang nararamdaman ni Miel sa akin. Hindi lang ako sigurado sa sarili ko kung handa na din ako magmahal.
Nung gabi, nagtext sa akin si Miel:
Gusto kitang makita, kaso baka sabihin mo "Wag na". Gusto sana kitang makausap kaya lang baka sabihin mo "Saka na". Gusto ko ulit sabihin na mahal kita pero baka ang isagot mo "Ako hindi e".
Hindi ako nag-reply.
(May kadugtong)
No comments:
Post a Comment