April 19. Pag-gising ko, iniisip ko kung anong meron sa araw na ito. Bukod sa may meeting ako at due date ng credit card at mobile postpaid plans ko today, parang meron pa. And then it dawned on me.. 2 years na pala kami dapat today ni 'ex'.
K. Fine.
Kaylangan ko talagang i-blog ito. Wait.. End of story na, Ex na nga so no need na.
Pero..
OK. Sige na nga. Ayaw ko man, may kung anong pwersa sa mga daliri ko para mag-type. Sisihin natin ang mga daliri ko di ba? :)
April 19 yun. 2014. Nasa La Union ako. Kasama ko sya at ang ilang mga barkada. Di ko na din matandaan kung bakit ko sya sinama pero siguro tadhana na ang gumawa ng paraan para mas magkalapit kami. Oo, isisi natin sa tadhana.
Sa tatlong araw na magkasama kami doon, naisip ko na baka pwedeng maging kami. Pabalik na kami sa Maynila at nag-aabang na ng bus ng tanungin ko sya kung pwedeng maging kami. Ayaw ko, sagot nya. Para kang tumanggi sa bigas, sabi ko. Seloso ka kasi.Mag-aaway lang tayo lagi, banat nya. Try lang naten. 2 months. Pag di nag work out, kalas-kalas, paghahamon ko. Pumayag sya.
So naging kami.
Tulad ng ibang magjowa, may pet name kami. Sya si Dadikoi. Ako si Babykoi nya. Yeah, nakakapanindig balahibo 'no? Pero yun talaga. Ayoko kasi ng 'bh3'.
Everyday text. Bago ako pumasok. Pagdating sa opisina. Bago mag lunch. Habang nagla-lunch, Meryenda sa hapon. Bago umuwi. Pagdating sa bahay. Bago matulog.
Yung 2 months na trial period, na-extend. We kind of enjoyed each other's company maybe.
Sa totoo lang, sa first 3 months namin, di ko naman masasabing mahal ko sya talaga. As in mahal na mahal. Yung tipong kami so dapat mag-act kami na kami. Pero feelings wise, wala akong matinding ganun. Ang labo ko no?
September ko na na-realize na siguro nga gusto ko na talaga sya, So nag-invest na ako ng pagmamahal. Andami kong plano for us. I want Dadikoi to experience many great things.
Kaso madaming pagsubok. Mahihiya ang road blocks ng The Amazing Race sa mga challenges na pinagdaanan namin. It came to a point na I felt like giving up. And I did- October of that year.
Drama ko: Ang hirap mong mahalin. Saka na lang ulit tayo magbalikan pag ready ka na talaga dito.
Para kang tanga, sabi nya.
Maghiwalay na tayo. Please say yes para may concensus. Sabi ko.
Ayoko. Para kang tanga. Sorry na, wag ka na magalit. Sagot nya.
1 week nya yata akong inaamo nun pero wala ako sa mood na i-retract ang gusto kong mangyari. Hanggang di na sya nagtext. Yun ang gusto ko di ba? So ako naman, naghabol. Pero wala ng reply sa kanya.
So I guess, hanggang dun na lang kami.
Dumating ang November, nagkita kami sa isang event. Pero pinangatawanan ko ang galit ko. Ayoko syang pansinin! 'in Nora Aunor's tone'
Gusto ko sana makapag-usap kami nun pero parang wala din syang interes. So sinabi ko sa sarili ko, wala na talaga.
December, nagkasama kami ulit sa isang party. Parang gusto na nya akong lapitan pero dahil balingkinitan ako, nag-inarte ako. Pag-uwi ko na-realize ko na kaya ko pala talagang di na sya pansinin. So the end na talaga ito.
One week before our company Christmas Party that year, I was on my usual FB time when I saw Dadikoi online. Magpapasko naman, chikahin ko na nga.
Musta?
Di mo na ako pinapansin.
Ako pa ba? Sa dami ng text at chat ko sa'yo nun, di ka sumagot. Tapos ako pa ang di namamansin?
Nung party, dinedma mo ako.
E syempre, di naman tayo OK. Pero Pasko naman, kaya bati na tayo. Free ka sa Wednesday? Party ng office, Sama kita.
Sige. What time?
7pm start,Sure yan? Baka joke time ka.
Pupunta ako.
At nagpunta nga sya. Syempre kinilig ako. Ng very lite.
Nag-usap kami, Buti nagpunta ka. Oo naman. Ikaw lang di namamansin saken. E kasi pinagpalit mo na ako e. Kahit hindi? Sabay titig saken ng super seryoso. Kinilig ako ulit.
Nag after party pa kami matapos nung gabing yun. Ayaw na sana nya sumama kasi may pasok pa sya ng 4am pero nagparaya sya just to be with me.
May karugtong..
No comments:
Post a Comment