Dream Big. Be Grateful. - The Filipino Rambler

Updates

Home Top Ad

Post Top Ad

Responsive Ads Here

Thursday, June 19, 2014

Dream Big. Be Grateful.


Masasabi kong kumportable ang buhay namin noong bata pa ako. Hindi naman masasabing mayaman ngunit maayos namang nairaraos ang araw-araw. May masaganang pagkain sa lamesa, nakakapag-aral kaming magkakapatid sa maayos na paaralan, nakakapamasyal ng madalas kapag weekend. Hindi kami kapos sa pinansyal na pangangailangan--noong bata pa kami.

Nakaramdam kami ng pagbabago sa aming pamumuhay noong nasa 3rd year high school na ako. Madalang na ang mga proyekto ng aming ama.Nabawasan na ang madalas na pamamasyal at sa public school na din nag-aaral ang iba kong mga kapatid.

Hindi agad ako nakapag-kolehiyo after high school. Hindi kakayanin ng mga magulang ko ang pag-aralin kami ng sabay-sabay. Nasa high school ang tatlo kong kapatid at may dalawa pa sa elementarya. Naintindihan ko naman ang sitwasyon. Masakit man sa akin ang huminto sa pag-aaral ng isang taon, tinanggap ko na lang ang lahat.

Kumuha ako ng kursong BS Psychology sa CEU matapos ang isang taong paghinto. Pinagbuti ko ang pag-aaral dahil, tulad ng marami, alam kong ito ang magbibigay daan para matupad ko ang mga pangarap ko.

Hindi naging madali ang college life. Madalas ay kapos pa din kami. Hindi ko alam kung paano iniraraos ng mga magulang ko ang pang-araw araw na gastos. Kulang lagi ang baon ko, pero ang iniisip ko, ayos lang iyon basta makapasok ako. Higit isang taon kong gamit ang aking itim na sapatos. Kahit butas na ay pinipilit kong isuot dahil alam kong di kayang bumili ng bago ng magulang ko. Ang dalawa kong pang-itaas na uniporme ang pinagpapalit-palit ko sa anim na araw na pasok ko. Minsan, kahit pambili ng papel o pag-photocopy ng materials ay wala ako. Maswerte ako at may mga kaibigan ako na madalas ay nahihiraman ko sa mga pagkakataong kapos ako.

Nasa 2nd sem na ng sophomore year ko ng magpasya akong huminto sa gitna ng semestre. Hindi na talaga ako kayang pag-aralin ng mga magulang ko. Malaki ang tuition sa school. Kapos kami sa pera.

Masakit, lalo't pinagdaanan ko na ito dati. Hindi ko ma-imagine na hihinto ako ulit. Silently ay nagalit ako sa aking mga magulang. Hindi ko maintindihan kung bakit di nila ako magawang patapusin sa kolehiyo. Maraming gabi akong umiyak dahil sa feeling na failure ako. Natakot ako na baka wala na akong inaasahang magandang buhay. Gusto ko lang mag-aral-makapagtapos--iyon lang! Is that too big to wish for?

Napagod ako kakahintay sa pangako ng ama ko na muli akong makakapag-enroll. Naging insomniac ako at inubos ko ang bawat gabi kasama ng aking mga kaibigan. Active ako noon sa Youth Ministry at iyon ang naging outlet ko para maging busy at mailabas ang creative juices ko. Matapos ang mga activity ay umiinom kami. Halos gabi-gabi kung uminom kami. Pamorningan. Maghapon akong tulog at gabi na gigising. Lalabas ulit, magpapaka-busy sa youth ministry activities at iinom. Ito ang naging cycle ng bawat araw ko mula nung huminto ako ulit sa college.

Sa gabi ako gising at tulog sa umaga dahil napagod na ako makita ang panibagong araw na di pa din ako nakakabalik sa school. Gusto kong tulog ako pag sumisilip na si haring araw. Ayoko syang makita dahil nireremind lang sa akin nito na ang bagong araw na dumarating ay parang kawalan ng pag-asa. Itinago ko ang sakit nanararamdaman ko sarili ko. Sa harap ng mga kaibigan ko, isa akong masayahin at tila walang problema lagi. Hindi nila alam na sa loob ko ay isang pagod  at malungkot na pagkatao. Kumukuha ako ng kursong Psychology, pero ako mismo ay psychologically bothered. I was emotionally drained. 

Dumating sa isang di inaasahang pagkakataon ang pag-asa na inaantay ko. May isang anghel sa lupa ang naantig sa aking pinagdaraanan at walang pasubali akong tinulungan para makabalik sa kolehiyo. Hindi man kami magkikilala ng lubusan ,walang pagtanggi syang tumulong sa akin. Nagtiwala sya sa aking kakayahan at naniwala sa aking talino at talento. Habambuhay kong ipagpapasalamat ang kabutihan na ginawa nya sa akin.

Nanumbalik ang aking sigla sa aking pagbabalik sa paaralan. Kapos pa din kami madalas pero wala akong ibang focus kundi makapag-aral. Madalas ay di ako nakakapag-take ng mga exams dahil di ako nakakabayad kaya binabawi ko na lang sa mga quiz, recitations at extra curricular activities. Halos wala akong pambili ng libro kaya naging resourceful ako. I see to it na nakikinig ako ng mabuti sa aming mga prof para may maisagot ako pag nagquiz kami. Stock knowledge lang ako madalas dahil wala akong pambili ng libro.

Biniyayaan ako ng maraming mabuting kaibigan na nahihingan ko ng tulong pag kinakailangan kong magsubmit ng computerized reports--dahil kahit pagpapa-print ay wala ako. Sila din ang nalalapitan ko para may pandagdag ako kapag bayaran na naman ng tuition.

Masasabi kong lahat ng problema siguro ay naranasan ko na ng mga panahon na yun. Halos hirap kami sa paghanap ng maibabaon; halos kapos kami sa pagkain sa mesa--salamat sa itlog na madalas ay sya naming tanghalian at hapunan; madalas din ay napuputulan kami ng kuryente at tubig at di nakakabayad ng upa sa bahay.

Lahat ng yan ay ginawa kong motivation para magsumikap sa buhay. Problema lang kayo, si Allan ako. Yan ang lagi kong sinasabi sa sarili ko. Pinangako ko sa sarili ko na hindi ko na dadanasin muli ang mga yan kapag nakapagtrabaho na ako.

Nag-ipon ako ng maraming pangarap at nag-focus para tuparin ang mga iyon.

Sa ngayon, masasabi kong nasa mas maayos na kaming pamumuhay. Hindi ko sinasabing napakayaman ko na, pero binigyan ako ng masaganang blessings ng nasa Itaas.

Nakakuha na ako ng isang maliit na bahay sa Cavite na sya kong binabayaran ng paunti unti. Natutulungan ko na din na pag-aralin ang dalawa kong kapatid sa college. Kung noon ay nagtatyaga ako sa butas at sirang sapatos, ngayon ay meron akong at least 6 pairs every year. Ang mga lugar na nakikita ko lang noon sa magazine at para bang isang malayong pangarap ay napuntahan ko na din.

Patuloy pa din akong nangangarap at nagsusumikap. Gusto kong bigyan ng mas kumportableng buhay ang aking magulang at i-enjoy na lang ang bawat araw na di na nila kinakailangan pang magtrabaho. Umaasa ako na makitang naka-suot ng toga ang dalawa kong kapatid at matupad din nila ang kanilang mga pangarap.

Hindi madali ang buhay. Marami kang pagdaraanan. Pero ang importante ay pagtagumpayan ang bawat hamon. 

Take all the lessons with you. Have a grateful heart and a praying soul. Ibigay mo ang lahat sa Itaas at ibibigay Nya ang comfort and happiness we all rightfully deserve.

And yes, bawal ang tamad. :)

**
Let's connect.


3 comments:

  1. wow,para akong nagbasa ng nobela ng MMK. At least naman happy ending. :D

    ReplyDelete
  2. Salamat sa matyagang pagbasa..medyo lengthy e hehehe.. but yeah, the yesteryears have made me strong as a diamond :)

    ReplyDelete
  3. Hugggssss.. Proud of you sis. :)

    ReplyDelete

Post Bottom Ad

Responsive Ads Here

Pages