Narito na ang pagpapatuloy na ating kwento.. Pasensya na at medyo natagalan, nagkasakit ang aming alagang kalabaw at kinailangan kong umuwi ng probinsya upang alagaan si Puti. (Sa mga pumikit at nakalimutang basahin ang Part 2, narito ang bahaging iyon.
Dear Charo, gustuhin ko mang idetalye ang mga nangyari nung gabing iyon, mamabutihin ko na lang na hindi.. May mga kaibigan akong seminarista na nag-aabang ng kwentong ito at ayoko silang maeskandalo. =))
Basta ang alam ko Ate Charo, amoy Safeguard green ang buong paligid ko kinabukasan. Mistulang ayaw lumayo ng halimuyak na iyon sa aking ilong!
Isang araw ay nagpahatid ako sa Mogpog para puntahan si RZ. Siya naman talaga ang dahilan kung bakit ako bumalik doon. Yun nga lang, parang ayoko na din naman syang makita dahil masaya naman na ako na kasama ko si MTL. Nalilito ako Ate Charo..Oo, nalilito ako..
Nagpahatid ako kay MTL papunta kay RZ. Habang nakasakay sa motor ay patuloy ang paglalambingan namin. Todo higpit ang yakap ko sa kanya. Di ko alam na may mga mata ng nagmamatyag sa amin..
Nagpababa ako sa madalas naming tambayan noon ni RZ. Hinanap ko sya sa mga kaibigan nya doon at itinuro ako sa simbahan- nandun daw si RZ. May misa noong araw na yaon at nag-decide na din akong magsimba. Si MTL naman ay pansamantalang umalis at nangakong dadaanan ako pagkalipas ng dalawang oras.
Nakita ko si RZ matapos ang misa. Nagulat ako dahil mistula akong multo sa paningin nya. Di man lang nya ako binati. Nasaktan ako Ate Charo, ang makasama sya ang dahilan ko sa aking pagbalik doon,pero parang balewala lang sa kanya. Nilapitan ko sya para kausapin. Isang cold shoulder lang ang binigay nya saken. Napilit ko naman syang magsalita. Inamin nya na nakita nya ang kakaibang lambingan namin ni MTL habang nakasakay sa motor. Tinanong nya ako kung sino iyon. Isang kaibigan, sagot ko. Di sya naniwala.
Sa totoo lang Ate Charo, may dahilan para magselos si RZ. May itsura naman kasi si MTL. Lamang ito sa kagwapuhan. Matikas ang pangangatawan at may dating itong kalingon-lingon.
Di ako naniniwalang magkaibigan lang kayo! Siguro ganyan talaga kayong mga taga-Maynila-lahat gusto mong maging syota! Galit si RZ. Nag-sorry ako at pinaliwanag ko sa kanya na walang anumang namamagitan sa amin ni MTL. Nagdesisyon si RZ na putulin na ang namamagitan sa amin.
Di ko maintindihan Ate Charo, pero sa kabila nito ay parang masaya ako. At least, wala na akong dapat ika-guilty sakaling maging 'official' na kami ni MTL.
Sa paglipas ng mga araw ay patuloy ang pagiging sweet namin ni MTL sa isa't isa. Tuwing umaga ay nakangiting mukha nya ang sumasalubong sa aking pag-gising. Madalas syang nagpupunta sa bahay ng tita ko upang dalhin ako sa kanila. Pag nasa kanila, ay ipinagluluto nya ako ng masarap na almusal. Matapos kumain ay pupunta kami sa likod ng bahay nila- doon ay ipinipitas naman nya ako ng buko. Magaling syang umakyat sa puno ng buko! Mahihiya ang mga akyat-bahay sa liksi nya. At ang bukong iyon ang syang pinaka-malinamnam at may pinaka-matamis na sabaw--syempre, bigay ata ng labs ko yan.
Gusto ni MTL na bini-beybi sya. Yung tipong inaalagaan at malambing sa kanya lagi. Di ko sure Ate Charo kung nanay ba o yaya ang tingin nya saken. Di na yun mahalaga. Ang importante, masaya kami sa piling ng isa't isa.
Sobrang sweet naman kasi ni MTL kaya walang sandali na di ka maiinlab sa kanya. Madalas kaming magharutan-nagkukurutan sa tagiliran. Kinukurot nya ako, kinukurot ko sya. Kinukurot nya ako, kinukurot ko sya. Kinukurot nya ako ng...nail cutter. Ang sweet nya talaga!
Isang araw, malungkot na dumating sa amin si MTL. Dala nya ang balita mula sa kanyang inaplayan sa Maynila. Pinapaluwas na sya kinabukasan upang maproseso ang kanyang aplikasyon. Gustuhin ko mang pigilan sya ay di ko naman magawa. Trabaho iyon, at di dapat pinapalampas ang isang oportunidad.
Ako: Magkikita pa din naman tayo sa Maynila (habang hawak ang kanyang mukha). Baka sa sunod na linggo ay umuwi na din ako.
MTL: Ngunit, napakatagal ng isang linggo, sagot nya. Gusto mo wag na lang akong lumuwas para magkasama pa tayo ng mas matagal? (Cue Ang Ganda Ko by Sandara Park here)
Ako: Wag, mas mahalaga ang trabaho. Pangako, magkikita tayo sa Maynila pagbalik ko doon. Ito ang numero ko, tawagan mo ako.
Mahigpit na yakap ang binigay nya saken. Bulong nya, pinasaya mo ang mga araw ko..mahal kita..
Di ko kinaya Ate Charo. Mahal din kita, sabi ko..Mahal na mahal..Pangako, magkikita tayo sa Maynila.
Sa tindi ng lungkot ko sa huling gabing iyon, ay niyaya kong uminom ang ilang kapitbahay na nakilala ko na din doon. Alam kong sa mga oras na iyon ay busy ng nagiimpake si MTL ng kanyang mga gamit. Nilunod ko sa beer at inaliw sa mga kwento ang aking sarili para ikubli ang lungkot na nararamdaman ko. Paano kung ito na ang huling pagkikita namen? Di ko ata matatanggap Ate Charo. Sigurado ako sa kaibuturan ng puso ko na mahal ko na talaga ang taong ito at di ko kayang basta na lang syang mawawala sa buhay ko.
Alas dose ng gabi ng may humintong motor sa tapat ng pinag-iinuman namen. Alam kong si MTL yun. Dali-dali ay nilapitan ko sya at niyakap ng mahigpit.
MTL: Di ko kayang di kita makita sa huling gabi ko dito.Halika, sumakay ka at may pupuntahan tayo!
Di pa man kami nakakalayo ay inihinto nya ang motor. Sinabi nyang mahal nya ako. Naglapat ang aming mga labi. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga sandaling iyon. Mistula akong idinuduyan sa sarap ng pakiramdam ko. Pinaandar nyang muli ang motor, at mahigpit akong yumakap sa kanya. Inihinto nya sa isang lugar na mapuno ang sasakyan.
Umupo kami sa isang banda, ang katawan ko ay nakasandal sa kanyang katawan. Mahigpit nya akong niyakap, wala syang sinasabi. Halos kalahating oras din kaming nasa ganung posisyon-magkayakap-walang salitaan. Sa nga oras na iyon Ate Charo, sapat na ang mga yakap para masabi namen ang nilalaman ng puso ng bawat isa. Sa huli ay inilapit ni MTL ang mukha nya sa mukha ko..tila nangungusap na ayaw na nyang matapos ang mga oras na yon. Naramdaman ko ang pagtulo ng luha nya. Lungkot marahil. Binitawan nya ang mga katagang, Mahal na mahal kita, at hinalikan ang aking mga labi.. (Cue Ikaw ang True Love ko by Sheryl Cruz here)
Lumipas ang isang linggo at nakabalik na ako ng Maynila. Hinintay ko ang tawag ni MTL. Dumating naman ang inaasahan kong tawag. Masayang-masaya ako dahil muli ay narinig ko ang kanyang tinig. Gustuhin ko man syang kitain ay busy pa sya nung mga panahong iyon. May mga training at requirements syang dapat asikasuhin. Kinuha ko ang number nya para magpatuloy ang aming komunikasyon.
Yun na ang naging una't huling tawag nya sa akin Ate Charo.Tinawagan ko sya sa numerong binigay nya ngunit, wala na daw sya doon sabi ng nakasagot. Di ko alam kung saan ko sya hahanapin. Di pa masyadong uso ang cell phones at Facebook noong panahong yaon, kaya naging mahirap sa akin ang hanapin sya.
Baka nadestino na sa malayo.O baka bumalik na sa Marinduque.
Lumipas ang maraming taon pero nanatili sya sa aking puso. Hanggang ngayon ay patuloy akong umaasa na sana ay magkita pa kaming muli.Binalikan ko si Manang Tindera sa bus station sa pagbabakasakaling muling bumili ng yosi doon sa MTL. Hinanap ko sya sa Census. Sa talaan ng mga lumubog na barko. Wala. Nito ngang nauso ang Facebook, ay hinanap ko ang pangalan nya, ngunit bigo ako. Hanggang noong nakaraan buwan, lumabas ang pangalan nya sa search engine. Lumukso ang dibdib ko. Matapos ang 11 years ay tapos na ang paghahanap ko. Nakita ko na sya Ate Charo!In-add ko sya at nag-iwan ako ng mensahe sakaling di na nya ako makilala. Ang masaklap, di pa din nya ina-accept ang friend request ko.
Patuloy akong aasa na sana ay muli kaming magkita Ate Charo. OK lang kahit di na kami magkabalikan- nakita ko sa Facebook account nya na sya ay may asawa't anak nya. Masaya na ako sa kung anumang buhay meron sya ngayon. Kuntento na ako kung mabigyan ako ng pagkakataoang magkaharap kaming muli at sabihin sa kanyang sya ang true love ko.
Hanggang dito na lamang Ate Charo.
(Cue Maalala Mo Kaya here.)
Awtz by jejemon
ReplyDeleteAi.. ang sad ng ending.. t.t sana may part 4 pa - ang muli nyong pagkikita :)
ReplyDelete@joyce,,oo nga..sana nga magkita pang muli
ReplyDelete